Huwebes, Oktubre 4, 2012

Ganito Lang 'Yan

Nagising ako ng pasado alas sing ko ng umaga, isang araw ng huwebes. Natulala. Parang isang programa sa computer. Loading. Buffering. Nag-aalala. Kinakabahan. Ano nga ba nanaman ang hatid ng araw na ito sa akin? Hanggang sa narinig ko nanaman yung kapitbahay naming ang aga aga maglinis. Narinig ko yung walis ting-ting nyang kumukuskos sa lupa ng paulit-ulit kasabay ng mga manok na tumitilaok.

Bumaba ako mula sa higaan. Gusto kong lumabas. Pagbukas ng pinto, naramdaman ko agad ang sariwang hangin ng umaga. Basa nanaman ang lupa pati mga dahon, umulan nanaman kagabi. Sa kabila noon, naririnig ko na ang mga ibong umaawit, kahit nakasilip pa lamang ang araw. Matagal na akong hindi nakakakita ng araw na ganito. Masyado kasing nakatuon ang isip ko sa malalaking bagay noong nakaraan. Nakalimutan ko nang gawin ‘to.

Haaay.. Simpleng araw, simpleng buhay. Kay gandang pagmasdan ng umaga.
Wala akong trabaho. Nawalan. Isa nanaman ang nadagdag sa mga taong, masakit man aminin, pero palamunin ng kanilang mga magulang. Tambay. Tandang tanda ko, nakaraang huwebes lang din yun ng umaga. .

Nakaraang huwebes lang din yun ng umaga ng sinasabi sa sarili ko na “Parang kanina lang may trabaho pa ako, kakasweldo ko lang. Ngayon, wala na.” Nandodoon nanaman yung kaisipang “Mahina ako kaya nawalan ako ng trabaho.” Sinisisi ang sarili. Doon ko naramdaman ulit na napaka komplikado ng buhay. Kaunting gusot,kaunting mali,kaunting pagkukulang sa sistema, pwedeng matanggal. “Napaka komplikado.” sabi ko habang pauwing dala dala ang Termination of Employment na binigay ng boss ko. Kinakabahan. “Paano ko kaya to sasabihin sa kanila?”.

Panganay ako. Isa sa mga tao sa aming bahay na may mabigat na responsibilidad. Habang iniisip kung paano ko sasabiihin sa mga magulang at kapatid ko, hindi ko alam na nakapag compose na pala ako sa cellphone ko ng mga salita, at eto.. sending na. “Wala na akong trabaho”.  Nanlalamig, hinihintay ang sagot nila. “Magagalit sila. Syempre, wala nang trabaho ang anak nila.” Nang biglang tumunog ang cellphone. Ayan, may text na. Si mama. “Ayo slang yan, andito kami ni papa mo.Umuwi ka agad… tinolang manok ang ulam.”

Luha.

 Haaay.. kay simpleng sumaya. Ako lang ang nagpapagulo sa lahat.

Maraming taong naghahanap ng kaligayahan sa buhay. Maraming taong nagtatanong, “Ano nga ba ang kahulugan ng buhay?”.  Ngunit oras na umulan at nasa bahay sila, magtitimpla ng kape, mauupo, bubuksan ang T.V., manonood, sabay masasabing “This is life”. Biglang nagkaroon ng kahulugan ang buhay. Hindi ba’t simple?

Isang gabi, lumabas ako dahil may bibilhin sa tindahan. Noong pauwi na ako nakayuko akong naglalakad. Dala ang problema, iniisip kung ano ang mangyayari kinabukasan. Sumasabay sa ihip ng hangin. Dahan-dahan akong  tumingala upang mag buntong hininga, iniisip na sana kasabay noon ang problemang mawala. Nakita ko ang langit, ang bituin, ang buwan at kasabay noon, naramdaman ko ang payapang gabi. Natago at natalo ang kabalisahan. Napangiti. Naisip ko, nakalimutan ko na nga ang mumunti at simpleng mga bagay na nagpapasaya sa akin.

Isang hapon, lumabas ako ng bahay upang magpahangin. Nakita ko ang mga batang naglalaro sa kalsada. Ngunit ang nakatawag ng pansin sa akin ay iyong dalawang batang babae na maglalaro na sana ng “chinese garter”. Napansin ko kasi na namomroblema ang isa dahil dalawa lang sila at kulang sila ng isa pang manlalaro upang maghawak sa isang dulo ng tali. Aayaw na sana siyang ituloy yung laro dahil hindi nga naman pwedeng ituloy ng kulang ang tao. Ngunit sabi ng isa, “ay nako, ganito lang ‘yan oh..” sabay kuha ng isang dulo ng tali at saka binuhol sa isang manipis na poste. “Ayan.” Saka nya pinahawak yung kabilang dulo sa kalaro nya, saka siya tumalon upang subukan. Natuwa sila, saka pinagpatuloy ang paglalaro.
Napangiti ako. Ang nasabi lang, “Oo nga naman..”

Iyon ang muling nagpaalala sa akin kung anong ibig sabihin ng buhay. Ito nga pala ay maisasalarawan sa dalawang salita. SIMPLE at MASAYA.
.anne.

Minsan, May Pilipino


“…ang mamatay ng dahil sayo.”


Lupang Hinirang. Isa sa mga sagisag ng ating bayan. Isa sa mga dahilan kaya humihinto o nagdadahandahan ang  mga pampasaherong jeep pag napapadaan sa mga pampublikong mga gusali tuwing lunes ng umaga at swerte  mo pag naabutan mo at alas otso na at nagmamadali ka eh, nasa sasakyan ka pa. Isa sa mga dahilan kaya pinapahinto ka ni manong guard pag papasok ka palang ng eskwelahan. Pag natapos na ay dahilan din kaya patakbo kang pumapanhik sa hagdan. Kung minsan pa ay ginagawa rin nating orasan, pag pang madaling araw ang pasok:

 “Anong oras na kaya?...” Bubuksan ang T.V. “Ay, Lupang Hinirang na. 4:30 na yan.”

O kung minsan sa patulog:

“Ay, lagpas alas dose na pala, Lupang hinirang na eh. Hindi ko namalayan. Makatulog na nga.”

Sa kabila ng mga ito, alam pa ba natin ang tunay na dahilan kaya natin paulit ulit inaawit ito? O sumasabay nalang tayo dahil nakasanayan at kailangan? Dahil oras na hindi ka sumali sa flag ceremony lalo na sa mga empleyado sa gobyerno, ay memo with multa pa ang katapat.

Kabisado pa nga ba natin?



Alam pa nga ba natin ang istorya sa likod ng pambansang awit na ito? Alam pa ba natin ang tunay na kahulugan ng mga kulay? Ang kulay asul at kulay pula? Ang tatlong bituin? Kabisado pa nga ba natin ang walong lalawigan na lumaban para sa ating kalayaan na sinasagisag din ng walong sinag ng araw sa ating bandila?  O kabisado lang natin at limot na ang lahat ng mga nangyari?

“Bataan, Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga, Manila, Nueva Ecija, Tarlac…”

Sa kabila ng kasaysayan ng Pilipinas, kamusta na nga ba tayo? Kamusta na nga ba si Inang Pilipinas?

Pag may nagtanong, “Masayang bang mabuhay?” Ang isasagot ko, “Oo Masaya. Sobra. Lalo na sa Pilipinas.”

Bayanihan, Jeep, Balot, Isaw, Mangga, Bagoong, Itlog na pula, kamatis (hmmm…), kumain ng nakakamay, kaen, tulog, gising, kaen, tulog (ay naulit…), patintero, tinikling, baro’t saya, po at opo, pangungutang sa kapitbahay pag mayroong bisita (kahit dalawang araw nang asin at kanin lang ang pumupuno sa sikmura).. atbp.

Ganyan ang Pilipino, ganyan ako. Ganyan tayo. Masaya hindi ba?

“It’s more fun in the Philippines”. Makulay ang Pilipinas, makulay ang buhay ng isang Pilipino. Kung minsan, dahil ito sa ilang mga taong walang ginawa kundi magbigay ng “thrill” sa ating araw araw na pamumuhay.
Martial Law.
Hacienda Luisita Massacre.
“I am sorry”.
ZTE broadband deal.
TRO.
SALN.
atbp.

May mga pagkakatulad hindi ba? Sino nga ba ang mga “starring” na  yan? Hindi ba’t sila rin ang mga taong minsan ay binigyan natin ng tiwala upang tayo’y iahon sa ating pagkakalunod? Hindi ba’t sila rin ang sumumpa na magiging tapat sa kanilang mga posisyon?  Ilan lang yan sa mga naging laman ng pahayagan, ng radio at telebisyon sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Ilan lang yan sa mga bagay na nagiging tatak natin bilang mga Pilipino sa ating mga kapatid sa ibang bansa. Ito ang katotohanan. Masakit. Nakakahiyang aminin, pero, nakakahiya talaga.

Noong nasa elementarya pa ako, isa sa mga pinagaaralan sa Sibika at Kultura ay yung mga sinaunang Pilipino. Ang ating mga ninuno. Pag ikaw ay laki sa pampublikong paaralan, walang sawa mo itong maririnig sa bawat silid aralan. Malay, Indones at Aeta. Sila nga, at ang ilan pa sa ating mga katutubo. Ang mga taong  minsan ay nagbigay ng kontribusyon sa ating bansa. Na minsan ding inagaw ng ilang mga dayuhan.

 Ang sabi ng iba, magalak daw tayo at sinakop tayo ng mga Espanyol sapagkat sakanila nanggaling ang ating relihiyon sa kasalukuyan. Ang sabi ng iba, magalak daw tayo at sinakop tayo ng mga Amerikano. Dahil kung hindi, eh, hindi daw tayo matututong bumasa at sumulat. Wala daw tayong gobyerno, walang batas, walang sistema sa pamamalakad ng lupa. Walang kaayusan.

Ang sabi ko “weh..?”

 Hindi ba’t dati pa man ay mayroon na tayong alibata? bathala at diwata? Hindi ba’t dati pa man ay mayroon na tayong tinatawag na balangay? mga datu?  Hindi ba’t naguumpisa na tayong umunlad nang sila ay dumating at nagtakip ng ating mga mata, bibig at tenga? Iniba ang kahulugan ng pag-unlad. Hindi ba’t dati pa man ay mayroon na tayong sistema sa lupa? May sistema sa bawat kalakaran? Gobyerno? Hindi ba’t tayo ay nag-aaral nang tumayo at maglakad bago sila dumating at pinilit tayong tumakbo? Binaliktad ang batas.. at ang bibliya.

Kung mayroong “undo” ang buhay, malamang matagal na itong wala. Malungkot man, pero, wala nga. Marahil ito rin ang dahilan kaya nariyan sila. Ang mga bayani ng kasaysayan. Si Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, at ilan pa sa mga paulit-ulit nating kinakabisado noon pa mang elementarya.

At, marahil, hindi man tayo ipinanganak para maging kahanay ng mga bayaning ito. Pinanganak naman tayong Pilipino. Pinanganak tayong may kaakibat na responsibilidad na alisin ang buhanging tumatakip sa ningning ng minsa’y tinaguriang “Perlas ng Silanganan”. May responsibilidad na ipagpag ang alikabok na nagiging sagabal upang makita ang tunay na kagandahan ng Pilipinas, at nating mga Pilipino. Pinanganak tayong may karapatang tumindig at magsalita para sa bawat isa. Dahil may karapatan ding tayong maipakita at maipagmalaki sa iba.

Na maisaulat sa kasaysayan ng mundo, maitala, na minsan, may Pilipino.

.anne.